by Deliza Maye Fernandez

BALAGTAS, BULACAN-- Patay ang maglololo matapos silang literal na tadtarin ng mga saksak noong Agosto 16 ng madaling araw, sa St.Francis Village ng Burol 2nd.

Kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Sta. Ana, 77-anyos, nagtamo ng siyam na saksak; ang anak nitong si Christina Sta. Ana, 42-anyos, may 22 na saksak; ang mga apong sina Corrine Joy Sta. Ana, 12-anyos na may 45 na saksak at si Christian Sta. Ana, 10-anyos at may apat na saksak at bali sa braso. Sinasabing ang tubo, screw driver at kitchen knife ang ginamit sa pamamaslang sa mga ito.

Ayon ka Police Chief Inspector, Alfonso Cruz ng Balagtas, pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga suspek dito. Bagama’t walang forced entry, nalimas naman ang mahigit P100,000 na galing sa nagbayad sa kanila sa negosyo nilang Ricemill. Ang pangunahing suspek ay ang mga kamag-anak at mga pahinante nito. Pinaniniwalaan namang nasa impluwensiya ng droga ang mga suspek sa nangyaring insidente.

Samantala, naghihinagpis naman ang isa pang apong si Mark Roque matapos makitang nakahandusay ang kanyang mga kamag-anak sa bahay. Animo’y nailigtas siya ng kanyang pagsilong muna bago tuluyang umuwi dahil sa lakas ng ulan. Sigaw niya ngayon ang katarungan para sa pamilya niya.

Sana kinuha na lang nila 'yong pera, di na lang sana pinatay. Sana sumuko na sila kahit wag nang ibalik yung pera,” ani Roque.

Nangako naman ang mga pulis na magkakaroon ito ng hustisya lalo’t malakas ang sinasabi ng mga ebidensya at kanilang pag-iimbestiga na kakilala ng mga biktima ang mga suspek.


 


Comments




Leave a Reply