by Christine Mae Juan

BULACAN- Isang MassCom student ng Bulacan State University (BulSU) na nag ngangalang Larry*, hindi nya tunay na pangalan, ang napag-alamang may kaduda-dudang utang sa unibersidad.

Nakatakdang magbayad si Larry ng kanyang tuition fee noong ika-6 ng Agosto at laking gulat nito na mayroon pala siyang utang na nagkakahalagang Php104,066. Nang kanyang tanungin kung bakit ganoon kalaki ang kanyang utang, sinabi lamang sa kanya na makipag-usap sa accounting management ng nasabing unibersidad.

“Noong sinabi naman naming pahingi ng copy ng resibo ng utang n'ya ayaw naman ibigay, makipag-usap daw si Larry sa grupo niya (pangalan ng grupo ay hindi maaaring banggitin). Nagulat ako kasi sobrang laki no'n. Parang lahat na ng bayarin ng grupo s'ya na magbabayad. 'Di ko rin alam buong issue n'ya doon sa grupo kung bakit ganoon kalaki 'yon,” ayon kay Jean, hindi nya tunay na pangalan, na kasama n'yang magbabayad noong araw na iyon.

Napag-alamang hindi lamang si Larry ang nagkaroon ng mahal at kaduda-dudang utang sa unibersidad dahil sa organisasyong ito. May mga ilang estudyanteng kabilang o myembro ng grupong ito ang muntik ng hindi maka-graduate at makapag-enroll sa susunod na semestre dahil sa utang nila sa cashier na nagkakahalaga namang Php 10,000.

Ayon sa ilang graduates na myembro ng organisasyon (ayaw ipabanggit ang pangalan), hindi mawawala 'yong utang na iyon hangga’t hindi binabayaran o nakikipag-usap sa mga namumuno ng nasabing grupo.

Ayon kay Chadlyn Samaniego, isa sa mga senador ng BulSU Student Government (SG), “Bawal 'yong ganoon lalo na kung ayaw din bigyan ng copy si Larry no'ng sinasabing utang n'ya raw. Dapat gumawa s'ya ng letter para sa amin na may pirma nya, tapos kakausapin namin s'ya at kami na 'yong gagawa ng aksyon”.

“Ayokong humingi ng tulong sa SG o magsumbong. Nakakatakot, baka pag-initan ako. Kakausapin ko nalang sina ma'am”, takot na paglalahad ni Larry.

Nakipag-usap na si Larry sa nasabing grupo noong ika-6 ng Agosto at napag-alamang mayroon s'yang utang dito na Php700 lamang.

“Hindi na ko sasali sa bagong grupo na binubuo namin. Nakausap ko na sina ma'am, Php700 lang utang ko. 'Pag nakita akong sumasayaw sa bagong grupo baka pag-initan na naman ako,” pahayag ni Larry.

 


Comments




Leave a Reply