by Arriane Mae Tristan

BULACAN STATE UNIVERSITY – Matapos na magsagawa ang Partido-Pagkakaisa ng Demokrationg Mag-aaral (PDM) ng unity walk kontra development fee, Setyembre 21, agad na naglabasan ang opinyon ng mga mag-aaral ng unibersidad ukol sa mainit na isyu ng nasabing bayarin.

Isa sa mga nanguna sa naganap na unity walk ay si Senator Patrick Jan Carpio ng BulSU Student Government. Ayon sa kanya, malaking ginhawa para sa masang estudyante kung tuluyang makakaltasan ng Php600 ang bayarin ng mag-aaral sa kolehiyo kada semestre.

"Maraming 'di nakakapag-aral dahil sa taas ng matrikula natin, at may dagdag pang development fee. Kung mapapabasura natin ang dev-fee, Php600 per sem rin ang mawawala sa atin kaya malaking luwag sa’ting mga estudyante 'yon lalung-lalo na sa mga working students,” ani Carpio.

“Kailangan nating ipaglaban ang ating karapatan. Unti-unti na pala tayong inaalisan ng karapatan para mag-aral. Ang edukasyon ay karapatan ng mamamayan na dapat ay tinatamasa ng lahat ng kabataang Pilipino,” wika pa niya.

Kontra development fee rin ang ilang kasapi ng Alpha Phi Omega (APO) makaraang makiisa ang mga ito sa maikling programa na inihanda ng PDM. Para kay Raffy Resayaga, miyembro ng APO at founder ng ROMASU, personal na desisyon niya ang pagdalo sa unity walk upang maiparating sa mga nasa posisyon ang daing ng karamihan sa BulSUan.

“Unang-una lahat tayo dito ay involved. Different colleges, different students, pinaparating namin sa kanila (kinauukulan) kung ano 'yong hinaing ng mga estudyante,” ani Resayaga.

Marami rin sa karaniwang estudyante ng BulSU ang nagpahayag ng kanilang pagpabor na maibasura ang pasakit na bayarin.

“Tungkol 'yon sa binabayaran sa school na hindi alam kung saan napupunta o kung saang development ba. Against ako do'n (development fee) kasi babayaran mo 'yon tapos di mo naman alam kung saan napupunta 'yong binabayad mo,” pahayag ni Kathleen Baltazar ng College of Home Economics (CHE).

Kakampi rin ng PDM sa pagbura ng naturang fee ang 4th year Nursing student na si Hazelle Anne Caparas.

“Kasi malaki 'yong binabayad natin do'n sa development fee pero wala namang nangyayari parang nasasayang lang,” sambit niya.

"Para lang tayong tanga na nagbabayad sa wala,” tugon naman ng kapwa estudyante rin ng kursong Nursing na tumangging magpakilala.

“Pabor ako na maibasura (ang fee) kasi po dinadaos  lang po 'yong pang-araw-araw kong pambaon,” bungad ni Annalyn Bondoc, BSIT.

“Nagigipit kami lalo na 1st year pa lang ako, paano pa kaya pag nag 4th year na’ko,” dagdag niya.

Nagpakita rin ng suporta sa pagpapatanggal ng Php600 bayarin si Sonny Espiritu, isang Criminology student. Nabanggit ni Espiritu na magmula noon ay wala pang pagbabago o anumang development sa bilding ng pinagmulan niyang kurso bago siya mag-shift sa pagpupulis.

“CIT (College of Industrial Technology) rin kasi ako dati, nag-shift ako. 1st year pa lang ako dati gano'n na 'yong building na 'yon (CIT). Wala pa 'yong nursing, wala pa 'yong College of Law, wala pa 'yong AC (Activity Center). Ibig sabihin tatlong building na 'yong naitayo, CIT wla pa rin. Totoo naman 'yong sinasabi nila (wala pa ring pagbabago).”

 

Nakarating na rin kay Pres. Mariano de Jesus ang usapin tungkol dito. Sa ngayon ay patuloy pa rin sa paggawa ng hakbang ang mga nasa kinauukulan upang tuluyan na ngang maibasura ang kontrobersyal na development fee.


 


Comments




Leave a Reply