by Dahren Sta. Ana

Tampok sa pagdiriwang ng Dayaw 2012: Indigenous Peoples’ Festival ang isang eksebisyon kung saan ipinakita ang mga kasuotan, palamuti, kagamitang pang-tahanan, kagamitang pang-hanapbuhay at pang-espiritwal ng mga katutubo sa bansa.

Ito ay isinagawa sa Gat Blas Ople Building sa Malolos, Bulacan na bukas mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, Nobyembre 27-29.Sa ginawang eksebisyon, tampok ang mga likhang sining ng mga ‘‘master craftsmen’’ na mula pa sa iba’t-ibang panig ng bansa. 

Ilan sa mga kasuotan na itinampok sa eksebisyon ay ang Bado (damit pambabae ng mga Mandaya), Albong Sleh (damit pambabae ng B’laan, Malunggon Sarangani), Vest (B’laan, Srangani), Inabel (damit pang-ibaba ng mga kababaihan ng Bagobo), Umpak (damit pangitaas ng Bagobo), Inaw’l (Iranon, Sultan Kudarat). Pinakita rin ang iba’t-ibang produkto na gawa ng mga katutubo katulad ng basket (Bheban, Subanen), duyo o wooden ware (Ibaloi, Benguet), kayabang basket (Carao Bokod, Benguet), bag (Ati Aklan at Ilocos Sur), rattan bag (Subanen), rain stick (Palawan) at Vest na yari sa banig (Laminusan, Tawi-tawi). Ang mga materyales na ginamit sa paggawa mga produkto na nabanggit ay abaca, pina at kawayan.Tinampok rin ang mga palamuti na kwintas, singsing at ticcos na gawa ng mga taga Binakit at sinturon, scarf at bracelet naman sa mga taga Panubok. Mayroon ding palamuti at kagamitan na pang-tahanan katulad ng langsay o wall décor ng mga taga Kaagan Davao del Sur, Tipo o banig ng Jama Mapu, Palawan, kumot ng mga taga-Bukidnon, placemat ng mga taga-Higanon at banig ng mga taga-Samar.Ang lahat ng mga produkto na itinampok sa eksebisyon ay kasalukuyan pa ring ginagamit ng mga katutubo kung saan ito ay patunay na kahit ilang mananakop ang dumating sa bansa, hindi pa rin nabubura ang nakagawian nilang kultura at pamumuhay. 
 


Comments




Leave a Reply