Bakit nga ba sa dinami-rami ng sakunang dumaraan sa mga Pilipino, lagi pa rin tayong nakangiti? 
Justine Marie Bernardo

Natatandaan ko nung hayskul palang ako, tinanong sa amin ng aming guro kung anu-ano ang katangian ng isang Pilipino. Pangkaraniwan at hindi pangkaraniwan. Iyan dapat ang sasabihin ko kaso, hindi na ko naabutan. Pero bakit nga ano? Ano nga ba ang pinanghuhugutan ng mga Pilipino na kahit pa anong mangyari, lubog na ang mga bahay, sunog na ang kanilang mga ari-arian, lindol, nakatira sa mga evacuation centers, o kahit sa mismong pang-araw-araw na kakulangan sa pagkain at pamumuhay, at minsa'y hindi na nakakakatyempo ng matinong trabaho, ay nakakaya pa rin ang ngumiti? Sa oras na nakakita ng kamera na galing sa isang sikat na broadcasting network, ngiti at tawa parin ang namumukod-tanging ekspresyon ng mga tao sa Pilipinas. Sa paanong paraan pa nakakatawa ang isang tao sa kabila ng wala na siyang makain o nalunod na ang kanilang mga bahay? Ay nako, ibahin mo ang Pilipino.

Sabi ng ilan, kaya sila nakakatawa kahit sa anong sitwasyon ng buhay nila, halimbawa nalang kapag nasunog ang kanilang mga gamit, ang pinakaimportante lang para sa kanila ay wala ni isang nasaktan, nawala o namatay sa kanilang pamilya. Kaya nilang mabuhay sa kalsada, o mamalimos kung saan saan basta't magkakasama silang pamilya. Kaya nilang isuko ang lahat ng kanilang ari-arian kung ito nama'y kapalit ng buhay ng isa sa kanilang mahal sa buhay. Hindi talaga tipikal ang pamilyang Pilipino. Sama-sama sa hirap at ginhawa.

Kaya naman hinahangaan tayo ng ibang bansa sa tibay ng samahan ng bawat pamilya. Isipin mo, sa isang bahay, may nanay, may tatay, may mga anak, at mga lolo at lola pa! Isama pa natin ang mga tito at tita, pati na rin ang mga pamangkin. Tinatawag itong extended family, na lahat, kahit isang lahi pa yan, ipagkakasya at ipipilit na isama sa iisang bahay. Hindi na iniisip ng pamilyang Pilipino ang siksikan, kakulangan ng pagkain, at mainit na kapaligiran kung kapalit naman nito ay magkakasama sila.

Ang mga Pilipino nga naman, hindi maikukumpara sa mga taga-ibang bansa. Hindi ba’t sa Amerika, sa oras na ang isang bata ay nag-labinwalong taong gulang na, aalis na ito sa bahay ng kanyang mga magulang. Kung hindi siya magpapatuloy ng kolehiyo, aalis siya at magtatrabaho. Siya na ang susuporta sa sarili niyang pangangailangan. Ibig sabihin, hindi narin siya responsibilidad ng kanyang magulang sa oras na umalis na siya ng bahay.

Pero sa Pilipinas, kabaligtaran ang nangyayari. Walang “Time Limit” sa bahay. Depende nalang sa kanila kung paaalisin ka nila. Kung miyembro ka ng isang marangal na pamilya, nararapat lamang na mag-aral ng kolehiyo at magtrabaho. Ganun din naman sa may kahirapan na buhay pero minsan, hanggang hayskul lang ang natatapos ng ilan. Minsan nga wala pang grade six ng elementarya ang naaabot ng mga ito dahil sa sobrang hirap ng buhay. Kaya kadalasan, nakakapag-asawa na ang anak ngunit nakatira pa rin sa bahay ng mga magulang. Hindi na rin ito makakapagtrabaho dahil walang natapos. Iyon nga lang ang mahirap sa kasalukuyang panahon, ni ultimo panggatas ng apo, sagot narin ng mga lolo at lola. 

Hindi naman ako kabilang sa extended family. Pero para sa akin, ayos lang naman iyon. Hindi ba’t may katagang “the more, the merrier.” Iyon nga lang, dapat ang lahat ng miyembro ng bahay ay may kanya-kanyang tungkulin sa pamilya. Hindi pwedeng wala. Hindi naman porket pinatuloy kayo sa isang bahay ng matagal na panahon e magiging “bwisita” nalang kayo. Minsan kailangang magkusa tayo ng loob dahil hindi naman lagi tayong papansinin at pupunahin sa ating mga ginagawa. Kailangan din ng konting hiya sa sarili. Isipin mo, silang lahat nagtatrabaho tapos ikaw tambay? Para naman yatang baligtad ang nangyari. Lahat kailangang gumalaw. Lahat kailangang magsama-samang iangat ang pamilya sa kahirapan. Iyan ang sikreto ng pamilyang Pilipino kung paano nila napapanatiling masaya ang kanilang loob. 

Kung ako naman ang tatanungin sa pagkamasayahin ng Pilipino, hindi na ito bago sa atin. Isipin man nilang baliw tayo, o ano pa man, ganun talaga e. Tawanan na lamang ang problema kaysa multuhin ka nito habang nabubuhay ka. Ika nga ng ilan, parang mga unggoy ang mga Pilipino. Kasi kahit na sa anong aspeto ng buhay, ang unggoy lagging nakatawa. Lalo na kapag nakakuha siya ng isang saging. Abot tainga na ang ngiti. Simple lang kasi ang kaligayahan ng mga Pilipino, at kadalasan, hindi nakukuha sa materyal na bahay.   




Leave a Reply.