by Kattryn Erryc Sayo

        Ang Plaridel ay kilala bilang isang makasaysayan at masaganang bayan sa probinsya ng Bulacan. Isinilang ang katanyagan nito noong panahong nasa pamumuno ang bansang Pilipinas ng mga Kastila, pati na rin ng Amerikano. Ngunit saan nga ba nagmula ang pangalang Plaridel?

Balik-tanaw noong Panahon ng Kastila (1595)

            Sinasabing bahagi ng Malolos ang Plaridel noon. Isa lamang itong payak at hindi pa maunlad na lupain na may gubat, matataas na damo at ilog.

            Dahil hindi pa ganoon kakilala at kaunlad, kakaunti lamang ang naninirahan dito at halos magkakamag-anak pa. Ang bawat lider ng grupo sa bayang iyon ay tinatawag na “tandis”. Ang karaniwang lenggwahe naman ay Pampango, Pangasinan, Ilocano at Tagalog.

            Bitbit ang layuning ikalat ang pananampalatayang Katolisismo, madalas dalawin ni Padre Bernardino De Leon ang lugar na iyon, kasama ang mga Agustinong misyonaryo. Gumagamit sila ng mga balsa bilang transportasyon.

            Ayon sa naitalang kasysayan ng Parokya ng Santiago Apostol sa Plaridel (kilala rin bilang St. James the Apostle Parish Church), binigyang ngalan ng mga Agustinong pari ang payak na lupain at tinawag itong “Encomienda Bito”. Sa lugar ding iyon ay nagtayo sila ng kapilya sa ilalim ng Parokya ng Immaculada Concepcion.

            ‘Di naglaon, ang kapilya ay naitatag bilang isang parokya na pinangalanang Parroquia de Santiago Apostol, na nagmula sa pangalan ni Santiago, isa sa mga disipulo ni Hesus. Hanggang sa kasalukuyan matatag at buhay pa rin ang parokyang iyon at tinatawag ring St. James the Apostle Parish Church (Parokya ni Santiago Apostol).

            Sa pagsasarili ng parokya ay nahiwalay na rin ang Encomienda Bito sa Malolos at naging isa nang ganap na bayan, taong 1602.

            Maraming naging plano ang mga misyonaryo sa bayang iyon. Nagbalak silang bakantehin at linisin ang lupain upang palawakin ang komunidad at makapagpatayo pa ng mga nayon.

            Noon din mismo ay nag-isip ng paraan ang mga mamamayan ng maliit na bayan tungkol sa planong iyon ng mga misyonaryo. Ang bawat “tandis” ay nakabuo ng plano upang ipagpatuloy ang ninanais ng mga Agustino. Nagtrabaho nang buong loob at hirap ang mga nakatira sa pook sa loob ng pitong mahabang taon.

            Nang bumalik si Padre Bernardino ay namangha ito sapagkat maaliwalas na ang lugar, wala nang masyadong puno at matataas na damo. Nang tanungin ng pari kung sino ang dapat pasalamatan sa pagbabagong iyon, ang sagot ng mga Pampango ay “Quing wawa ding Tagalog po,” na nangangahulugang “Ang mga Tagalog po ang may gawa niyan”. Sa tuwing magtatanong ang mga pari, isasagot ng mga mamamayan ang “Buti Quing wawa Tagaolog, Quing wa.” Naniwala ang mga pari na karapat-dapat pasalamatan at parangalan ang mga Tagalog at noon din ay tinawag ang bayan na “Quingua”.

Ang Pagiging Plaridel

            Katulad ng ibang komunidad, naging maunlad ang bayan ng Quingua. Dito naganap ang makasaysayang paghaharap ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano, sa layuning ipagtanggol ang kauna-unahang republika ng Pilipinas at ng Asya. Kilala rin ito sa tawag na Battle of Quingua.

            Ang pagpapalit ng pangalan ng bayan upang maging Plaridel ay pinasimulan ni Jose J. Mariano, ang alcalde mayor noong panahong iyon. Ang kaibigan niyang si Congressman Pedro Magsalin ang sumuporta at naging daan sa pagpapasa ng suhestiyon ng pagpapalit ng pangalan ng Quingua. Ang suhestiyon ay ipinasa ng Kongreso at naaprubahan ni Pangulong Manuel L. Quezon.

            Noong ika-29 ng Disyembre taong 1936, sa kabila ng mga pyesta at pagdiriwang, ang pangalang Quingua ay pormal nang napalitan at tinawag na ang bayan na Plaridel, bilang parangal sa isa sa mga dakilang bayani ng Bulacan na si Marcelo H. del Pilar, kilala sa pangalang Plaridel.




Leave a Reply.