by Kattryn Erryc Sayo

   Marahil ay marami ang naghahangad ng grandyosa at lubhang masaganang buhay. Pero may iilan pa ring mas hahangarin na magtamo ng simple ngunit payapa at madisplinang pamumuhay. Isa na rito si Lolo Fel, naniniwalang kailanman at anong panahon man nabuhay ang isang tao, hindi nito makakamit ang isang perpektong buhay.

            Si Felino P. Sayo, tubong Sto. Cristo Pulilan Bulacan, ay isinilang sa mundo noong Pebrero 23, 1933. Hindi man nabiyayaan ng grandiyosang pamumuhay noong siya ay bata pa, payapa naman at maayos ang naging buhay ng kanyang pamilya.

Pagkamulat sa Karahasan

            Bagamat bata pa, nasilayan na ni Lolo Fel kung paano pahirapan ng mga hapon ang mga taga-Bulacan. Tandang-tanda niya ang takot na nadama ng pamilya nang marinig na parating na ang mga hapon sa bansa.

            Sariwa pa rin sa ala-ala niya kung paanong paraan ang ginagawa ng kanyang pamilya upang makaiwas sa karahasan ng mga dayuhan.

            “Ang mga hapon kasi ay agresibo sa mga Pilipina ‘no. Ang ginagawa ng mga kapatid ko nagsusuot sila ng damit panlalaki para hindi sila ma-detect ng mga hapon. Dahil unang-una eh ang mga babae ay takot sa mga hapon. Sila ay ni-re-reyp o ginagahasa,” aniya.

            Nagpasya ang pamilya ni Lolo Fel na panandalian munang makitira at magtago sa kakilala sa Bulihan, Bulacan, dala na rin ng takot.

            “Nag-retreat kami sa Bulihan no’ng mabalitaan naming parating na ang mga hapon. Nakasakay kami sa kariton na hila-hila ng kalabaw, kasama ‘yong mga kapatid kong babae na nakasuot pa rin ng panlalaki at nakasumbrero. Do’n kami namuhay ng kung ilang araw,” sabi ni Lolo Fel.

            “Do’n sa pinagtuluyan namin ng ilang araw, sa bukid na aming kinalalagyan, natatanaw namin ‘yong mga motor ng kinasasakyan ng mga hapon,” dagdag pa niya.

            Sa kabila ng samu’t-saring karahasan at pagpapahirap na dinanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon, maswerteng nalagpasan ng pamilya ni Lolo Fel ang anumang dahas na maaaring sapitin noong mga panahong iyon.

            Patuloy lamang ang buhay para kay Lolo Fel. Ngunit isa na namang karahasan ang kaniyang nasaksihan, na naganap noong siya ay 39-anyos at mayroon nang sariling pamilya. Ito ay ang panahon ng Martial Law, na ipinatupad ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

            Alam niya kung paanong abusuhin ang mga tao kahit walang kasalanan. Aniya, bigla-bigla na lamang manghuhuli ang mga utusan ng administrasyon. Ni hindi man lamang hahayaang makapagpaliwanag ang mga arestado.

            “Sa sandaling magkamali ka, Ipapaaresto ka agad sa sundalo, without further notice, wala nang pali-paliwanag pa,” aniya,

            “Mahirap ang hindi sumunod sa batas. Kapag naabutan ka sa lansangan ng alas-onse eh dadakpin ka na, wala nang tanung-tanong pa,” dagdag ni Lolo Fel.

            Ibinahagi rin niya kung gaano kabayolente and Martial Law. Aniya, mahirap tuligsain ang administrasyon ni Marcos, at kung mayroon mang maglalakas-loob kalabanin ang Pangulo ay ipaaaresto. Hindi rin makapagpahayag ng damdamin ang mga mamamayan sa takot na sila ay parusahan.

            Sariwa pa rin sa kaniyang ala-ala kung paanong nagmistulang walang kaalam-alam ang mga tao sa mga pangyayari sa bansa, buhat ng pagbabawal ni Marcos sa media- wala raw mapapanood sa telebisyon, walang maririnig sa radyo.

Benepisyo ng Kahapon

            Ayon kay Lolo Fel, mataas na antas ng disiplina ang idinulot ng mga karahasan noong mga nagdaang taon. Alam niya kung gaano kahirap ang tumaliwas sa batas ni Marcos o salita at utos ng mga hapon. Dala na rin ng takot kung bakit napipilitang sumunod ang mga Pilipino.

            “Ang advantage no’n, may disiplina kasi takot ang mga tao. Noon ngang Martial Law may slogan si President Marcos na nagsasabing, ‘Sa ikauunlad ng bayan, Disiplina ang Kailangan’. Kaya’t ang mga tao noon eh takot sa pamahalaan. Walang rally, walang kung anu-anong gawaing laban sa pamahalaan,” ani Lolo Fel.

            Bukod sa disiplina, ibinahagi rin niya kung paanong mas masagana ang buhay noon. Nabanggit niya kung gaano kamura ang mga bilihin, at kung gaano kalakas kumita ang kaniyang negosyo.

            “Noon, malakas ang kita sa grocery namin. Umaabot pa nga sa Php70,000 kada araw. Eh ngayon dahil sa mga malls, humihina na ang kita. At saka mura lang ang mga bilihin noon, magaan lang ang pamumuhay at simple,” aniya.

            “Sa panahon kasi ngayon, kahit kumayod ka nang kumayod, maliit lang ang kita, mahal pa ang bilihin,” dagdag niya.

Walang Perpektong Buhay

            Bagamat disiplina at kasaganahan ang mga naging benepisyo ng nagdaang panahon, naniniwala si Lolo Fel na maswerte ang namumuhay sa kasalukuyang panahon dahil sa antas ng kalayaan na natatamasa.

            Isa rin daw dapat ipagpasalamat ng mga taong hindi naabutan ang mga karahasan ng nakaraan ay ang pag-unlad sa teknolihiya na sadyang nakatutulong sa buhay ng tao.

            Para kay Lolo Fel, pantay lamang ang hirap at ligayang hatid ng nakaraan at kasalukuyan. Maganda raw ang pamumuhay noon dahil sa disiplina at kasaganahan ng buhay sa kabila ng karahasan. Maganda pa rin naman daw ngayon dahil malaya at payapa ang tao kahit na may kahirapan ang pamumuhay.

            Wala nga talagang perpektong buhay. At iyan ang pinatunayan ni Lolo Fel na nasilayan at naranasan na ang iba’t-ibang sarap at hirap ng buhay sa loob ng 79 na taon.




Leave a Reply.