Tagisan ng Kasikatan
Reina Beatriz Peralta

  Simula na ang ingay sa pulitika pagsapit ng Oktubre.  Mas dadami na ang mga pulitikong lalabas sa telebisyon at dyaryo.  Mag-eendorso ng kung anu-ano, magpapa-interview at mag-gi-guest sa mga programa sa telebisyon.  Magsusulputan na rin ang mga tarpaulin at banner sa lansangan na babati ng “Happy Fiesta” at “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon” kasama ang pangalan at litrato ng mga kakandidato.  Dahil pagsapit ng ika-isa hanggang ika-lima ng Oktubre, umpisa na ng pagpa-file ng kandidatura.

                Malayo pa man ang panahon ng pangangampanya at halalan, nagsisimula na ang mga tatakbo sa pagpapabango ng kanilang pangalan.  Nagsisimula na silang magpasikat.  Nagsisimula na ang panliligaw.  Kabi-kabila na ang mga ginagawang proyekto.  Nagiging maagap na rin sila sa pagtulong sa mga nangangailangan.  Naglalabasan na ang pulitiko suot ang kanilang mga ngiti, samantalang bago at pagtapos ng halalan ay kilala naman sa pagiging suplado.  Sabihin man nilang hindi pa sila nangangampanya ngunit tila ganoon na rin ang pinapahiwatig nila.

                May ilang pulitiko pa ngang hindi pa nangangalahati ang taon ngunit may mga pamaypay nang ipinamumudmod sa madla na kung saan doon nakaimprenta ang pangalan at mukha ng mga ito.  Meron na ring lumalabas sa mga commercial at advertisement.  May mga nasasangkot pa nga sa iba’t-ibang kontrobersiya.  Pero ika nga ng isang kasabihan, “Whether it is a good or bad publicity, it is still a publicity”.

                Ganoon nga siguro ang takbo ng pulitika sa ating bansa.  Ito na ang nakagisnan natin.  Naging popularity contest na ang bawat eleksyon.  Kung sino ang sikat, siya ang iboboto.  Kaya nga hindi na rin nakapagtatakang maraming artista ang na-e-engganyong sumabak sa magulong mundo ng pulitika.

                Maaari namang mabago ang ganitong sistema.  Kung matututo lang ang mga botante na iboto ang mga pulitikong talagang sumikat dahil sa mga mabubuting naiambag sa ating bansa, at hindi sumikat dahil lang sa pagpapasikat sa panahon lang ng eleksyon, pagpapa-gwapo sa telebisyon at pagbabandera ng mukha sa kalye.


 

Bakit Mailap ang Ginto?
Reina Beatriz Peralta

Kailan ba huling nakasungkit ng medalya ang Pilipinas sa Olympics? Bakit nga ba hanggang ngayon ay wala pa ring ginto sa listahan ng mga medalyang nakuha na ng mga atletang Pilipino?

Kung tutuusin, walang dudang magagaling ang ating mga atleta. May kakayahan sila at talento.  Malaki ang potensyal nilang manalo. Sa suporta lang talaga ng gobyerno nagkukulang.

Hindi maikakaila na karamihan sa mga magagaling na atleta ay salat sa buhay. Dahilan para magkulang sila sa mga kagamitang pang-ensayo at panglaban. Kadalasan pa nga ay luma at sira-sira na ang kanilang mga kagamitan.  Ang iba pa sa mga iyon ay donasyon lang at pinaglumaan.  Hindi naman nila magawang bumili ng panibago dahil nga sa kahirapan.  Kaya kahit sabihin pang tunay silang magagaling, naaapektuhan pa rin ang kanilang performance dahil nga sa kasalatan sa kagamitan.  Ito ay isa lang sa mga problemang dapat sana ay nabibigyang solusyon ng pamahalaan.

Bukod sa pinansyal na suporta, ang gobyerno ay nagkukulang din sa angkop na atensyon para sa isports, higit lalo sa mga Pilipinong atleta.

Kapuna-puna na nitong nagdaang ika-tatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno Aquino, isa sa mga nakaligtaan niyang banggitin ay ang tungkol sa isports.  Wala siyang nasabing plano o narating ng pamahalaan tungkol sa bagay na iyon. Ni hindi man lang niya nagawang pasalamatan o sabihan man lang ng “good luck” ang ating mga atletang sasabak sa London Olympics.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na sa dinami-rami ng problemang kinakaharap ng bansa ay hindi na mapaprayoridad ng gobyerno ang isports.  Ngunit sana’y matugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga atleta.  Dahil sila ay maituturing na “bagong bayani”.  Dinadala nila ang pangalan ng Pilipinas sa bawat laban nila sa ibang bansa.  Ang bawat pagkapanalo nila ay panalo na rin ng mga Pilipino, at ang bawat pagkatalo ay pagkatalo na rin ng buong Pilipinas.

Milyon-milyong pera ang ilalaan nila sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) Bill kung sakaling maisasabatas ang ito.  Isang batas na wala namang kasiguraduhan na makasasagot sa problema tungkol sa kahirapan ng mamamayan.  Ang perang nakalaan para sa RH bill ay ilaan na lang sana sa pondo para sa ibang bagay na may katiyakang ikakapanalo, ikagaganda at ikaaayos ng lahat, gaya ng edukasyon, kalusugan at isports.