by Isabelle dela Cruz

Tampok sa pagdiriwang ng Singkaban Fiesta 2012 nitong Setyembre 8-15 ang dulang pinamagatang "Kakarong de Sili", na itinanghal ng Barasoain Kalinangan Foundation, Inc. sa Nicanor Aberlado Theater, Gat. Blas. F. Ople Provincial Capitol Complex sa lunsod ng Malolos sa Bulacan.

Ang pagsasadula ay sa panulat ni Joseph Cristobal, at ang musika naman ay mula kay Arnel del Rosario. Ang dula na itinanghal ay sa ilalim ng direksyon ni Armando Sta. Ana. Opisyal rin itong kabilang sa National Theater Festival 2012 Cultural Center of the Philippines.

Ang Kakarong de Sili ay dating sakop ng Balagtas at ngayon ay sakop na ng Pandi sa Bulacan. Dito itinatatag ni Eusebio Roque ang Balangay Dimasalang mula sa atas ni Supremo Andres Bonifacio matapos niyang pormal na manumpa at lumagda sa isang reglamento gamit ang sagisag pandigmang Dimabungo noong Disyembre 24, 1895.

Isinilang noong Agosto 14, 1865 sa Barangay Kaingin, Bocaue, Bulacan si Eusebio Roque. Maaga siyang naulila sa magulang at kinupkop siya ng pamilya nina Nayo at Sima kasama ang dalawang anak na sina Cecilia at Crispin sa Angat.

Nakapag-aral si Sebio sa tulong ng kanyang Tata Nayo sa paaralan sa Bustos na pinangangasiwaan ni Padre Isaac Ignacio. Napalapit si Sebio kay Padre Ignacio dahil sa kanyang angking talino at taglay na kabaitan. Si Padre Ignacio ang nagsama kay Sebio sa Maynila na hindi kalauna’y naging dahilan ng pagkakakilala ni Sebio kay Emilio Jacinto na humikayat sa kanyang sumali sa Katipunan dala ng kalupitan ng mga Kastila.

Agosto 1896 nang itinayo ni Eusio Roque kasama si Hen. Felipe Estrella ang Real de Kakarong. Ito ay maliit na komunidad na may sariling daan, paraan ng paghahanap ng pagkain, pandayan, pagawaan ng bala at may banda ng musiko. Nahikayat na sumapi ang pitong muskitero ng Pitpitan Bulakan na pinamumunuan ni Gregorio del Pilar nang lumakas ang Balangay Dimasalang.

Bunga ng pagiging matagumpay ng Republikang Kakarong ang mga Kastila ay naligalig at nagtangkang sumalakay ngunit hindi nagtagumpay. Noong Enero 1, 1897 sumalakay muli ang mga Kastila sa Kakarong na naghatid ng matinding labanan kung saan ang mga Katipunero ay naubusan ng bala na naging hudyat ng kanilang pagkalagas at isang libo at dalawang daang mga katipunero ang nangagsimatay.

Nagpalipat-lipat si Sebio ng mapagtataguan  hanggang sa ipagkanulo siya ni Rimas na kaniyang kaibigan at nahuli sa Bunga Mayor sa Bustos sa tahanan ng kanyang kasintahang si Loring. Dinakip at pinahirapan si Sebio ng mga militar ng Kastila. Siya ay pinalakad ng may singkaw ng kalabaw sa batok  at hila-hila ng kabayo.  Nilitis siya at pagkaraan ay pinarusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril sa kaniya noong Enero 16, 1897 sa liwasang bayan ng Bulakan, Bulacan.

 


Comments

kjnijo
08/04/2013 8:14pm

gctifviouinjkb jbjk

Reply
all
08/06/2013 1:16am

ano po ang mai oopinyon niyo dito sa kwento??

Reply
gibby sta. cruz
09/30/2013 6:42am

Ano ang reference nyo sa biography ni General Eusebio Roque? may maidadagdag ba kayong detalye ng buhay niya?

Reply
10/31/2013 12:36am

ano ang kahalagahan ng kakarong sa pag-aaral ng kasaysayan?

Reply
11/01/2013 12:03am

SSC ka ba popo?

11/04/2013 1:28am

ano po ang aral ng kakarong de sili?

Reply
James Pangan
11/05/2013 4:15am

ano po yung lesson na matututunan?

Reply



Leave a Reply